Friday, March 2, 2007


Free Hit Counter

Monday, January 22, 2007

Pahayag ng IFJ, isang kasinungalingan!!


Isang malaking kasinungalingan ayon sa grupong I-WATCH, isang anti-crime NGO, ang pahayag ng International Federation of Journalists(IFJ) kamakailan, na mapanganib na lugar ang PILIPINAS para sa mga mamamahayag. Ayon kay GASPAR SAN DIEGO, pangulo ng I-WATCH at isa ring Broadcast Journalist, " isang iresponsable at malaking kabulaanan ang pahayag ng IFJ, walang malinaw na batayan ito at sumisira sa imahen ng ating bansa." Sa statement ng IFJ noong nakaraang buwan ng Disyembre 2006, pumapangalawa ang Pilipinas sa IRAQ na delikado umanong lugar para sa mga journalists, 13 kasapi ng media ang napatay diumano.

"Bagaman at may mga insidente ng pamamaslang, mayorya sa mga ito ay hindi work-related na gaya ng ipinangangalandakan ng IFJ. Maagap din at masigasig ang PNP upang bigyan nang kalutasan ang mga kaso. Tumatagal lamang ang pagresolba kapag ayaw makipagtulungan ng mga kaanak ng napaslang. Ang mga data naman ay minamanipula upang gamitin na propaganda ng mga militante laban sa gobyerno." pagbibigay diin ni San Diego.

Sa opisyal na record ng PNP, 2 lamang sa 10 kaso nang pagpatay sa taong 2006 ang work related. Ito ay ang kaso ng pamamaslang kay Rolly Canete ng DXPR at Fernando Batul ng DYPR. Sa kaso ni Canete, kinasuhan na ng murder ang isang Herbert Liguan at isang John Doe sa ilalim ng IS# 06-01-067. Nasa RTC Branch 18 na ng 9th judicial region sa ilalim ng Criminal Case # 8167-2006 ang nabanggit na kaso. Noong August 18, 2006, nadakip ang prime suspect na si Herbert Rosaldez Liguan.

Samantala, nadakip agad ng PNP si PO1 Aaron Galifardo, ang pangunahing salarin sa pagpatay kay Fernando Batul, halos dalawang araw matapos ang pamamaslang sa biktima. Agad na sinampahan ng kaso ang dating pulis na tinanggal sa serbisyo alinsunod sa RPHRDD # 120 dated 26 May 2006.

Ang walong iba pang kaso ay hindi work-related na gaya ng inilutang ng IFJ. Kabilang sa mga ito ay ang pagpatay kina: Orlando Mendoza, Nicholas Cervantes, Alberto Orsolino, Maricel Alave-Vigo, Jorge Fellones Vigo, Armando "RACMAN" Pace, Prudencio Orsolino Melendrez at Ralph Revita Runez.

Kabilang sa mga naging motibo sa pagpatay sa walo ay ang land dispute, double cross sa reward money, personal vendetta at robbery holdup. Ang mag-asawang Jorge at Maricel Vigo ay naging biktima naman ng paghihiganti ng CPP-NPA. Si Dionisio Madanguit ng CPP-NPA, Gureilla Front-51 ang utak sa pagpaslang sa mag-asawa. Si Jorge ay dating kasapi ng ANAKPAWIS at pinaghinalaang nagkanulo sa isang Kumander Benjie na napatay sa enkuwentro ng Phil. Army noong November 2004. Si Maricel ay isang dating kasapi naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

"Sa mga kaso nang pagpatay, malinaw ang orkestrado, sistematiko at malawakang kampanyang pampropaganda ng mga militanteng grupo na wasakin ang imahen ng ating gobyerno. Itinutuon lagi sa pamahalaan ang sisi at sa mga institusyong kagaya ng PNP at AFP upang manghina at manlupaypay ang mga ito at nang madali nilang maibagsak ang demokratikong institusyon." paglilinaw pa ng pangulo ng I-WATCH.

"Sa kabila ng mga diumano'y panunupil sa hanay ng mga journalists, dito sa ating bansa ay nagagawa nilang pulaan, pagsalitaan ng masama, murahin, paglaruan at gawing katawa-tawa ang mga personaheng kanilang binabatikos. Nagagawa nilang wasakin ang dignidad at pagkatao ng isang tao, gawing itim ang kulay puti at gawing puti ang kulay itim. Ito ba ang uri nang pantay at patas na pamamahayag?" pagtatapos na pahayag ni Gaspar San Diego.

Sa Pilipinas, ang mga negatibong inpormasyon ay isinusubo ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa mga International Media Organizations. Batay sa isang statement ng NUJP sa kanilang web site: "In cases where it is not clear whwther the death was work related or when the authorities could not ascertain the motives behind the killing; NUJP shall assume that the killing was work related..."



23 January '07

10:10 AM

QC, Philippines