Wednesday, November 22, 2006

NPA, Nadudurog na!

Nagtatagumpay ang kampanya ng demokratikong gobyerno laban sa lokal na komunistang kilusan matapos na umabot sa 568 na kasapi at sympathizers ng New Peoples Army ang sumuko sa Northern at Central Luzon ngayong 4th Quarter ng kasalukuyang taon. Ayon sa isang confidential na report, may 315 na armas ang isinuko rin ng mga nagsurender sa Nueva Ecija at 129 naman na armas ang isinuko sa San Fernando Pampanga.

Mula noong October 11, 2006 may walong engkuwentro ang naitala ng AFP laban sa mga teroristang NPA. Umabot din sa 8 NPA ang napaslang at narekober ng militar ang mga bangkay. Kabilang sa mga opisyal ng NPA na naneutralize na ay sina LEOPOLDO CALUZA aka KA AMBO/INO, lider ng ng Central Luzon NPA Regional Operation Command at Secretary ng Nueva Ecija Provincial Committee, at itong si EDWARD CABANERO alyas KA JERRY. Itong si Cabanero ay squad leader ng Platoon Alpha, KLG front-1 ng Nueva Ecija. Siya rin ang naging whistle blower sa sexual harassment na reklamo ng mga NPA Amazons at iba pang pang-aabuso ng kanilang mga lider sa kanilang sariling mga kasamahan.

Samantala, patuloy pa rin ang purging operation sa loob ng CPP-NPA na siyang dahilan sa pagpatay sa mga aktibistang makakaliwa ng sarili nilang mga kasamahan. Ito ay ayon sa isang special report na may titulong : "The truth behind the so- called Political Killings". Ayon sa ulat, NPA hitmen ang pumatay sa isang Manegdeg, manggagawa ng Rural Missionaries of the Philippines noong November 28 noong nakaraang taon sa San Esteban, Ilocos Sur at sa isang Albert Terredano, empleyado ng Department of Agrarian Reform sa Bengued, Abra noong November 29, 2005 naman. Si Menegdeg at Terredano ay may kaugnayan o link sa CPP-NPA. Si Terredano ay may alyas na Diego Wadagan at ang spokesman ng Agustin Begnalen Command. Ito namang si Manegdeg ang nanunungkulan na Secretary ng Urban White Area Committee, Ilocos-Cordillera Regional Committee habang nagtatrabaho sa mga above o legal organizations bilang cover hanggang siya ay mapatay ng mga kasamahang NPA hitmen.


1:32 PM
23Nov 2006
Metro Manila

Sunday, November 19, 2006

Sa Takipsilim ng Pangarap...



Pangarap ni Gng. Consolacion "SION" Aniasco Niduelan na kahit sa huling sandali ng kaniyang buhay ay masilayan niya at mayakap ang kanyang kapatid na si Luz. Sa loob halos ng dalawampung taon ay hindi siya tumigil sa paghahanap sa kanyang nawawalang kapatid.Noon pang 1984 huling nakita ni Aling Sion sina LUZ at ang asawa nitong si Herculano Laguna. Ang dalawa ay mga aktibong labor organizers noong dekada '8O.
Inihatid niya ang kanyang mahal na kapatid at ang asawa nito sa North Harbor upang sumakay sa barko patungong Davao. Kasama ng mag-asawa ang anak nilang si Herlo na noon ay tatlong taong gulang pa lamang.
Si Aling Sion, na ngayon ay 61 anyos na,ay walang humpay na naghanap at umasam na muli pa niyang makasama at matagpuan si Luz. Kahit gipit, nangungutang pa siya ng pamasahe at tinitiis ang pagkalam ng gutom niyang tiyan upang may magastos at maipagpatuloy lamang ang paghahanap na hindi niya alam kung saan hahantong.

Hanggang dumating ang mga sandaling kaniyang matagal nang hinihintay, makikita na niya ang kanyang kapatid na si Luz... isa na nga lamang kalansay. Sa pagkabunyag kamakailan ng isang mass grave ng mga pinaslang ng NPA, nakilala ni Aling SION ang labi ng kapatid dahil sa suot pa nito ang isang kupas na polka dot blouse na alam niyang pag-aari nito. Halos madurog ang puso ng matanda sa sinapit ng kanyang kapatid sa kamay ng mga NPA na walang awang pumaslang sa kanilang mga inosenteng kasama.

Ang mga walang markang libingan ay halos 50 metro ang agwat sa bawat isa na matatagpuan sa Barangay Bonbon sa Cebu City. Ang mag-asawang Laguna pala ay naging biktima ng malupit at nakaririmarim na operasyon ng CPP- NPA na kilala sa tawag na KAMPANYANG AHOS noong 1985. Nang patayin ang mag-asawa, ang kanilang anak na si HERLO ay naiwanan lamang sa pagkandili ng labandera ng pamilya. Sa pagdaan ng panahon, ang naulilang bata na si Herlo ay lumaki at nagkaisip na lamang sa piling ng isang mahirap na pamilya sa squatter's area ng Mandaue.

Pinalad namang makapag-aral ang ulilang bata at dahil sa angking talino at pagsisikap ay lumaki itong nasa matuwid na landas ng buhay. Sa kolehiyo ay nakakuha siya ng athletic scholarship at magtatapos na sana sa kursong education nang ito ay sinawimpalad na mabaril sa isang fraternity war noong nakalipas na taon. Kagaya nang naging kapalaran ng kanyang mga mahal na magulang, madugo rin ang sinapit niyang wakas.

Ang masaklap at mapait na kuwento ng mag-asawang Laguna at anak nilang si Herlo ay isinulat sa dugo at karahasan na ibinunga ng ideyolohiyang komunismo. Ang kanilang kapalaran ay sinapit din ng libu-libong KADRE at kasapi ng CPP-NPA na naging biktima ng KAHOS o purging operation. Ang simpleng hinala at paratang lamang sa mga inosente at naging tapat na kasapi ng NPA bilang DPA( Deep Penetration Agent ) ay isa nang konkretong basbas nang tortyur, ibayong pagpapahirap at kamatayan sa mga kaawa-awang biktima.

Ayon sa mga naging saksi, ang mag-asawang Laguna ay kabilang sa 13 katao na magkakasabay na pinaslang ng mga NPA. Lima lamang sa mga ito ang nahukay at narekober.

Kaugnay nito, pinangunahan naman ni Forensic Anthropologist Jerome Bailen ang paghuhukay sa mga labi upang matiyak at matukoy kung sa paanong paraan pinatay ang mag-asawa.

Ang nabanggit na exhumation ay inorganisa ng Peace Advocates for truth, Healing and Justice, na binubuo ng mga dating kasapi ng Kilusang komunista na inaresto at tinorture ng CPP-NPA.

Sa kabila nang paglipas ng panahon, ang mga tanda ng ibayong pagpapahirap ay mababakas pa rin sa mga labi ng bangkay ni Luz Aniasco-Laguna. Ang kanyang mga kamay ay nakatali sa likuran ng asul na lubid na nylon. Isang tela ang natagpuan malapit sa kanyang leeg at bunganga, isang 18-kilong bato ang ipinangbasag sa kanyang bungo. Ang kupas na blouse nito ay may hiwa sa kaliwang bahagi ng dibdib na palatandaang hiniwa ang dibdib ng babae habang buhay pa ito at nagdidiliryo na sa hirap.

Sa yugtong ito, natapos na ang paghahanap ni Aling Sion sa nawawalang kapatid, isa na lamang ang kaniyang hangad, ang mabigyan ito ng isang marangal na libing katabi ang asawa at anak. Sana ay makamit din ng mga ito ang tunay na katarungan at managot ang mga naging kasama nila sa NPA na siya ring naging berdugo nila. Matagal nang panahon ang nakaraang pangyayari ngunit para sa mga naging biktima at naulila ng karahasan ng CPP-NPA, mananatili ang hapding hatid nito sa kanilang puso, na ngayon ay unti-unting nananariwang muli dahil sa muli na namang pamamaslang na ginagawa ng mga NPA sa kanilang mga sympathizers at kasapi na bumabalik na sa pagyapos sa DEMOKRASYA at pagod na sa pagtataguyod ng isang LISYANG IDEYOLOHIYA.


Lalawigan ng Rizal

4:06 ng hapon

20 Nov '06