Tuesday, December 19, 2006

2 NPA, napatay sa labanan!




Dalawang kasapi ng NPA ang napatay matapos makasagupa ng tropa ng pamahalaan sa mabundok na bahagi ng Sitio Langawel, Barangay Datablao, Columbio, Sultan Kudarat noong December 17, 2006. Ang dalawang napatay ay mga tauhan ni Kumander Asuona at hanggang sa ngayon ay kasalukuyang inaalam pa ang mga totoong pagkakakilanlan.




Batay sa ulat, nakasagupa ng mga kawal ng 27th Infantry Battalion ang tropa ng mga NPA habang nagsasagawa ng routine Patrol Operation sa magubat na area. Dahil sa katapangan at kasanayan ng tropa ng Army, agad na out maneuver nila ang mga NPA kung kaya't kagyat na nasawi ang dalawang terorista.




Mag-ama, walang awang pinaslang ng mga NPA!!


Tinambangan hanggang sa mapatay ng mga kasapi ng New People's Army ang isang retiradong pulis at walang awa ring idinamay ng mga terorista ang binatang anak nito. Nakaupo sa bakuran ng kanilang bahay sina SPO2 Esmael Bactad, 46 anyos, at ang anak niyang si Richard, sa Barangay Maloma, San Felipe, Zambales noong linggo ng gabi(December 17, 2006). Hindi nila alam, iyon na ang huling pagkakataong magiging magkasama silang mag-ama dito sa lupa.

Nagpapahinga si Esmael at Richard sa labas ng kanilang tahanan nang biglang may humintong motorsiklo sa kanilang bakuran. Bigla, malalakas na putok ng baril ang pumunit sa kapayapaan ng gabing iyon. Bumulagta agad ang katawan ng mag-ama na nabistay ng punglo.

Dalawang buhay na naman ang nalagas dahil sa karahasang inihahasik ng CPP-NPA upang maisulong lamang ang kanilang layunin na makamit ang kanilang baluktot na mithiing agawin ang poder ng pamamahala sa ating bayan.

Hanggang kailan kaya mamumulat ang CPP-NPA? Na sa bawat Pilipinong pinapaslang nila, dugo ng kanilang kalahi ang idinidilig nila sa ating lupain...

Monday, December 18, 2006

Mga Pulis na may dalang relief goods, pinatay ng mga NPA!!


Apat na Alagad ng Batas at isang sibilyan na nagdadala ng relief goods para sa mga nasalanta ng bagyo ang tinambangan ng mga New People's Army sa Barangay Manlutod, Placer, Masbate kamakalawa ng hapon( December 17, 2006) . Ang mga napaslang na pulis ay mga kasapi ng 507th Police Provincial Mobile Group at binistay ng bala ng mga terorista. Nakilala ang mga nasawing pulis na sina PO3 Jose Blair Banaag, PO1's Juan Compuesto, Dominador Raymundo at Andrew Chu. Hindi pa nakukuha ang aydentidad ng sibilyang napaslang.

Ayon sa ulat, sakay ng bangkang de-motor ang mga biktima upang dalhin ang mga relief goods sa mga sinalanta ng bagyo sa nabanggit na area nang paulanan ng punglo ng mga NPA. Nagtangkang lumaban ang mga pulis subalit naoverpowered sila ng mga terorista. Nakatalon naman sa tubig ang sugatang sibilyan na sina Nilo Delapiso at Isagani Garing.


Matapos ang isinagawang pananambang, tinangay ng mga NPA ang mga armas ng mga pulis at maging ang mga relief goods na ipamamahagi sana sa mga naging biktima ng Bagyong Seniang.


Ilang oras matapos ang ambush, inako ng pamunuan ng Jose Rapsing Command ng NPA na pinamumunuan ni Val Silang ang naganap na pamamaslang sa mga biktima.


Kaugnay nito, nagpahayag ng galit sa mga NPA ang mga mamamayan ng Masbate. Ang ginawang pandarambong sa mga relief goods na nakaukol sa mga nasalanta ng bagyo ay isang malinaw at konkretong manipestasyon ng kabuktutang ginagawa ng mga NPA sa kanayunan. "Akala ba namin, naglilingkod sila sa taumbayan? Bakit maging ang mga kawawang pulis na tumutulong sa amin ay pinatay nila, ninakaw din nila ang mga relief goods na para sa amin!!, ito ang mariing pahayag ng isang naghihinagpis na Taong Baryo.


"Pinapatay na nga ng mga NPA kaming mahihirap sa kanilang revolutionary tax, sinisira pa nila ang mga proyekto na maglilingkod sa aming kapakanan? ", ito naman ang nagdadalamhating sinabi ng isang Ka Ambo ng Barangay Manlutod.
19 December 2006
1:35 Pm, Quezon City

Thursday, December 14, 2006

Karahasan ng CPP-NPA, wakasan na!!




Madugo ang naging wakas ng buhay rebolusyonaryo ni Arturo Tabara, Setyembre 26, 2004, Linggo ng gabi nang siya ay walang awang pinagbabaril ng mga kasapi ng liquidation squad ng CPP-NPA. Si Stephen Ong, 19 anyos ay nadamay din sa pamamaslang dahil kasama niya si Tabara ng gabing iyon. Si Ong ay kasintahan ng anak ni Tabara na si Rosa Aurora na nagsilang ng isang sanggol isang linggo pa lamang ang nakakaraan. Sa pagkamatay ng dalawa, ilang anak na naman ang nawalan ng ama? Dahil sa karahasan ng NPA, dalawang kababaihan ang nawalan ng kabiyak ng puso.
Si Tabara ay pinuno ng Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade(RPA-ABB) na bumaklas sa NPA noong 1992 dahil sa pagsalungat at pagbatikos sa pang-ideyolohiyang linya ng CPP na kontrolado ni Joma Sison. Dahil sa nakita nilang kamalian at lisyang linya na ipinatutupad ng CPP ay kumalas ang grupo nina Tabara. Mula noon, naging target na sila para likidahin ng NPA. Noong 1999, nakipagkasundo sa pamahalaan ang kanilang grupo matapos ang matagumpay na peace talk. Naging layunin ng kanilang grupo na maisulong ang mga konkretong kondisyon tungo sa kapayapaan at maipatupad ang tunay na katarungang panlipunan.
Nakalulungkot isipin na nagiging mailap ang kapayapaan dahil sa di-makatarungang paglikida ng NPA sa kanilang mga dating kasama na yumakap na sa tamang linya tungo sa pagbabago. Dahil sa pagkamulat, iwinaksi ng grupo nina Tabara ang karahasan at armadong pakikibaka upang matamo ang kanilang mga batayang layuning politikal at panlipunan.
Ito ang ayaw ng re-affirmist group ni Sison na namumuno sa CPP-NPA dito sa Pilipinas via remote control mula sa kanyang komportableng tirahan sa Netherlands. Ang RPA-ABB ay itinatag nina Tabara, Nilo Dela Cruz at Popoy Lagman. Si Lagman ay nilikida sa UP Campus noong Pebrero 2001 samantalang ang dating NPA Chief na si Romulo Kintanar ay tinadtad din ng bala ng dalawang gunmen sa isang restaurant sa lunsod ng Quezon noong Enero 2003. Isa pang lider ng RPA-ABB, si Daniel Batoy ang pinatay ng NPA noong August 22, 2004. Nadamay din sa pamamaslang ang anak ni Batoy na babae na nagkataong kasama niya ng oras na siya ay binaril.
Hanggang saan hahantong ang walang saysay na pagpaslang ng NPA sa mga dati nilang kasama? Kung tutoong pagpataw lamang ng disiplina ang kanilang pakay sa utos na rin ni Sison, bakit hindi man lamang naparusahan si Jose "PEPE" Luneta? Si Luneta ay responsable sa madugong purging operation sa mga kasapi ng CPP-NPA sa Timog Katagalugan noong Dekada '80. Sa operasyong iyon, libu-libong kadre at tapat na mga kasapi nila ang ibinaon sa mga Killing Fields. Sa ngalan ng rebolusyon at Partido? Hindi! Para sa pansariling interes ng kanilang pinapanginoong si Joma Sison. Ayon sa isang naging kasama nila noon, " Si Luneta ay hindi pinarusahan dahil siya ngayon ay isang tapat na utusan ni Joma sa Netherlands. Siya ang taga-timpla ng kape ni Joma."
Sa kasaysayan, ang estratehiya ng mga komunista sa pagsunggab ng pampulitikang kapangyarihan ay nakahanay sa KARAHASAN at PANLILINLANG. Walang halaga sa kanila ang buhay ng isang tao. Para sa kanila, ang tao ay binubuo lamag ng mga molecules, Man is only a matter. Walang ikalawang buhay sa langit o paraiso. Sila ay humihingang makinarya lamang ng kanilang partido. Noong 1934, ipinagyabang ni KLEMENTI VOROSHILOV, naging pangulo ng bansang RUSSIA na noong 1919 ay nahimok niya ang (11,000) labing-isang libong Czarist Officers sa KIEV na sumuko dahil sa kaniyang pangako. Ipinangako niyang makakabalik ang mga opisyal na iyon pati ang kanilang mga asawa at kamag-anak sa kani-kanilang mga tahanan. Nang sumuko ang mga opisyal kay VOROSHILOV, agad niyang ipinapatay ang 11,000 na Czarist Officers at ang lahat ng mga lalaking anak ng mga ito. Ang mga asawa at anak na mga babae ay ipinadala naman sa mga bahay putahan upang gamitin at pagparausan ng mga tauhan ng Russian Army. Dahil sa hirap na dinanas, hindi tumagal ng tatlong buwan ang buhay ng mga kababaihan.
Ang ganitong karahasan ay pangkaraniwan sa mga bansang nasakop ng mga komunista. Sa Cambodia, halos Tatlong Milyon( Kalahati ng Populasyon) ang ipinapatay ni POL POT ng Khmer Rouge. Dito sa Pilipinas, hindi pa sila nakakapuwesto, karahasan at panlilinlang na rin ang kanilang isinusulong upang makuha ang suporta ng mga uring magsasaka at manggagawa. Pakikipag-alyansa sa mga batayang sektor ang estratehiyang kanilang isinasagawa. Lahat ng klase ng isyu ay kanilang ginagamit at sinasakyan upang makuha ang simpatiya ng sambayanan. Bilang mga makabayang Pilipino, dapat nating hadlangan ito! Salungahin natin at maigting na tutulan ang pagmamanipula ng CPP-NPA sa kaisipan ng ating mga kababayan na ang tanging mithiin ay wasakin ang Demokrasya at itayo ang pamahalaang Diktadurya ng mga proletaryo.
Kapag hindi tayo kumilos ngayon, ilang mga anak pa kaya ang mangungulila sa yakap at kalinga ng kanilang napaslang na mga ama? Ilang mga biyuda pa kaya ang luluha at mananahan sa dilim ng pamimighati?...


Kalakhang Maynila
8:30 AM, 15 December 2006




Thursday, December 7, 2006

SISON at GREGORIO ROSAL, kinasuhan ng murder sa MASBATE


Kinasuhan ng pulisya ng kasong murder si CPP founder Jose Maria Sison at iba pang lider ng New Peoples Army kaugnay ng kasong pamamaslang sa isang barangay captain sa Palanas, Masbate noong nakalipas na November 1, 2006.


Maliban kay SISON, sinampahan din ng kaso sina Gregorio Rosal, Danilo Masanto, Constantino Tamayo at iba pang lider ng Local Communist Terrorist Movement (LCTM) sa Masbate Provincial Prosecutors Office. Ang kaso ay naka-docket bilang 06-19990.


Nag-ugat ang kasong isinampa ng PNP dahil sa isinagawang pagpatay ng mga NPA kay Barangay Captain Rodrigo Abejuela ng barangay Malibas sa bayan ng Palanas. Walong mamamatay tao na kasapi ng NPA ang sangkot sa nabanggit na pamamaslang.


Ayon sa Task Force USIG na tumututok sa pagresolba sa mga nabanggit na pamamaslang sa mga militante at journalists, pinupurga ngayon ng NPA ang kanilang sariling hanay na kahalintulad ng kanilang ginawa noong 1980's. Sa isinagawa nilang purging operations, libong kasapi ng NPA ang pinatay mismo ng kanilang mga kasama. Ang walang awa nilang pagpaslang sa kanilang mga kasama na pinagbintangang bumaligtad na sa kanilang marahas na layunin ay sinasamantala pa nila upang gamiting propaganda laban sa pamahalaan. Sa ganitong taktikang pampropaganda, agad nilang ibinibintang sa gobyerno ang mga pamamaslang na kanilang ginawa.

Wednesday, November 22, 2006

NPA, Nadudurog na!

Nagtatagumpay ang kampanya ng demokratikong gobyerno laban sa lokal na komunistang kilusan matapos na umabot sa 568 na kasapi at sympathizers ng New Peoples Army ang sumuko sa Northern at Central Luzon ngayong 4th Quarter ng kasalukuyang taon. Ayon sa isang confidential na report, may 315 na armas ang isinuko rin ng mga nagsurender sa Nueva Ecija at 129 naman na armas ang isinuko sa San Fernando Pampanga.

Mula noong October 11, 2006 may walong engkuwentro ang naitala ng AFP laban sa mga teroristang NPA. Umabot din sa 8 NPA ang napaslang at narekober ng militar ang mga bangkay. Kabilang sa mga opisyal ng NPA na naneutralize na ay sina LEOPOLDO CALUZA aka KA AMBO/INO, lider ng ng Central Luzon NPA Regional Operation Command at Secretary ng Nueva Ecija Provincial Committee, at itong si EDWARD CABANERO alyas KA JERRY. Itong si Cabanero ay squad leader ng Platoon Alpha, KLG front-1 ng Nueva Ecija. Siya rin ang naging whistle blower sa sexual harassment na reklamo ng mga NPA Amazons at iba pang pang-aabuso ng kanilang mga lider sa kanilang sariling mga kasamahan.

Samantala, patuloy pa rin ang purging operation sa loob ng CPP-NPA na siyang dahilan sa pagpatay sa mga aktibistang makakaliwa ng sarili nilang mga kasamahan. Ito ay ayon sa isang special report na may titulong : "The truth behind the so- called Political Killings". Ayon sa ulat, NPA hitmen ang pumatay sa isang Manegdeg, manggagawa ng Rural Missionaries of the Philippines noong November 28 noong nakaraang taon sa San Esteban, Ilocos Sur at sa isang Albert Terredano, empleyado ng Department of Agrarian Reform sa Bengued, Abra noong November 29, 2005 naman. Si Menegdeg at Terredano ay may kaugnayan o link sa CPP-NPA. Si Terredano ay may alyas na Diego Wadagan at ang spokesman ng Agustin Begnalen Command. Ito namang si Manegdeg ang nanunungkulan na Secretary ng Urban White Area Committee, Ilocos-Cordillera Regional Committee habang nagtatrabaho sa mga above o legal organizations bilang cover hanggang siya ay mapatay ng mga kasamahang NPA hitmen.


1:32 PM
23Nov 2006
Metro Manila

Sunday, November 19, 2006

Sa Takipsilim ng Pangarap...



Pangarap ni Gng. Consolacion "SION" Aniasco Niduelan na kahit sa huling sandali ng kaniyang buhay ay masilayan niya at mayakap ang kanyang kapatid na si Luz. Sa loob halos ng dalawampung taon ay hindi siya tumigil sa paghahanap sa kanyang nawawalang kapatid.Noon pang 1984 huling nakita ni Aling Sion sina LUZ at ang asawa nitong si Herculano Laguna. Ang dalawa ay mga aktibong labor organizers noong dekada '8O.
Inihatid niya ang kanyang mahal na kapatid at ang asawa nito sa North Harbor upang sumakay sa barko patungong Davao. Kasama ng mag-asawa ang anak nilang si Herlo na noon ay tatlong taong gulang pa lamang.
Si Aling Sion, na ngayon ay 61 anyos na,ay walang humpay na naghanap at umasam na muli pa niyang makasama at matagpuan si Luz. Kahit gipit, nangungutang pa siya ng pamasahe at tinitiis ang pagkalam ng gutom niyang tiyan upang may magastos at maipagpatuloy lamang ang paghahanap na hindi niya alam kung saan hahantong.

Hanggang dumating ang mga sandaling kaniyang matagal nang hinihintay, makikita na niya ang kanyang kapatid na si Luz... isa na nga lamang kalansay. Sa pagkabunyag kamakailan ng isang mass grave ng mga pinaslang ng NPA, nakilala ni Aling SION ang labi ng kapatid dahil sa suot pa nito ang isang kupas na polka dot blouse na alam niyang pag-aari nito. Halos madurog ang puso ng matanda sa sinapit ng kanyang kapatid sa kamay ng mga NPA na walang awang pumaslang sa kanilang mga inosenteng kasama.

Ang mga walang markang libingan ay halos 50 metro ang agwat sa bawat isa na matatagpuan sa Barangay Bonbon sa Cebu City. Ang mag-asawang Laguna pala ay naging biktima ng malupit at nakaririmarim na operasyon ng CPP- NPA na kilala sa tawag na KAMPANYANG AHOS noong 1985. Nang patayin ang mag-asawa, ang kanilang anak na si HERLO ay naiwanan lamang sa pagkandili ng labandera ng pamilya. Sa pagdaan ng panahon, ang naulilang bata na si Herlo ay lumaki at nagkaisip na lamang sa piling ng isang mahirap na pamilya sa squatter's area ng Mandaue.

Pinalad namang makapag-aral ang ulilang bata at dahil sa angking talino at pagsisikap ay lumaki itong nasa matuwid na landas ng buhay. Sa kolehiyo ay nakakuha siya ng athletic scholarship at magtatapos na sana sa kursong education nang ito ay sinawimpalad na mabaril sa isang fraternity war noong nakalipas na taon. Kagaya nang naging kapalaran ng kanyang mga mahal na magulang, madugo rin ang sinapit niyang wakas.

Ang masaklap at mapait na kuwento ng mag-asawang Laguna at anak nilang si Herlo ay isinulat sa dugo at karahasan na ibinunga ng ideyolohiyang komunismo. Ang kanilang kapalaran ay sinapit din ng libu-libong KADRE at kasapi ng CPP-NPA na naging biktima ng KAHOS o purging operation. Ang simpleng hinala at paratang lamang sa mga inosente at naging tapat na kasapi ng NPA bilang DPA( Deep Penetration Agent ) ay isa nang konkretong basbas nang tortyur, ibayong pagpapahirap at kamatayan sa mga kaawa-awang biktima.

Ayon sa mga naging saksi, ang mag-asawang Laguna ay kabilang sa 13 katao na magkakasabay na pinaslang ng mga NPA. Lima lamang sa mga ito ang nahukay at narekober.

Kaugnay nito, pinangunahan naman ni Forensic Anthropologist Jerome Bailen ang paghuhukay sa mga labi upang matiyak at matukoy kung sa paanong paraan pinatay ang mag-asawa.

Ang nabanggit na exhumation ay inorganisa ng Peace Advocates for truth, Healing and Justice, na binubuo ng mga dating kasapi ng Kilusang komunista na inaresto at tinorture ng CPP-NPA.

Sa kabila nang paglipas ng panahon, ang mga tanda ng ibayong pagpapahirap ay mababakas pa rin sa mga labi ng bangkay ni Luz Aniasco-Laguna. Ang kanyang mga kamay ay nakatali sa likuran ng asul na lubid na nylon. Isang tela ang natagpuan malapit sa kanyang leeg at bunganga, isang 18-kilong bato ang ipinangbasag sa kanyang bungo. Ang kupas na blouse nito ay may hiwa sa kaliwang bahagi ng dibdib na palatandaang hiniwa ang dibdib ng babae habang buhay pa ito at nagdidiliryo na sa hirap.

Sa yugtong ito, natapos na ang paghahanap ni Aling Sion sa nawawalang kapatid, isa na lamang ang kaniyang hangad, ang mabigyan ito ng isang marangal na libing katabi ang asawa at anak. Sana ay makamit din ng mga ito ang tunay na katarungan at managot ang mga naging kasama nila sa NPA na siya ring naging berdugo nila. Matagal nang panahon ang nakaraang pangyayari ngunit para sa mga naging biktima at naulila ng karahasan ng CPP-NPA, mananatili ang hapding hatid nito sa kanilang puso, na ngayon ay unti-unting nananariwang muli dahil sa muli na namang pamamaslang na ginagawa ng mga NPA sa kanilang mga sympathizers at kasapi na bumabalik na sa pagyapos sa DEMOKRASYA at pagod na sa pagtataguyod ng isang LISYANG IDEYOLOHIYA.


Lalawigan ng Rizal

4:06 ng hapon

20 Nov '06