Thursday, December 14, 2006

Karahasan ng CPP-NPA, wakasan na!!




Madugo ang naging wakas ng buhay rebolusyonaryo ni Arturo Tabara, Setyembre 26, 2004, Linggo ng gabi nang siya ay walang awang pinagbabaril ng mga kasapi ng liquidation squad ng CPP-NPA. Si Stephen Ong, 19 anyos ay nadamay din sa pamamaslang dahil kasama niya si Tabara ng gabing iyon. Si Ong ay kasintahan ng anak ni Tabara na si Rosa Aurora na nagsilang ng isang sanggol isang linggo pa lamang ang nakakaraan. Sa pagkamatay ng dalawa, ilang anak na naman ang nawalan ng ama? Dahil sa karahasan ng NPA, dalawang kababaihan ang nawalan ng kabiyak ng puso.
Si Tabara ay pinuno ng Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade(RPA-ABB) na bumaklas sa NPA noong 1992 dahil sa pagsalungat at pagbatikos sa pang-ideyolohiyang linya ng CPP na kontrolado ni Joma Sison. Dahil sa nakita nilang kamalian at lisyang linya na ipinatutupad ng CPP ay kumalas ang grupo nina Tabara. Mula noon, naging target na sila para likidahin ng NPA. Noong 1999, nakipagkasundo sa pamahalaan ang kanilang grupo matapos ang matagumpay na peace talk. Naging layunin ng kanilang grupo na maisulong ang mga konkretong kondisyon tungo sa kapayapaan at maipatupad ang tunay na katarungang panlipunan.
Nakalulungkot isipin na nagiging mailap ang kapayapaan dahil sa di-makatarungang paglikida ng NPA sa kanilang mga dating kasama na yumakap na sa tamang linya tungo sa pagbabago. Dahil sa pagkamulat, iwinaksi ng grupo nina Tabara ang karahasan at armadong pakikibaka upang matamo ang kanilang mga batayang layuning politikal at panlipunan.
Ito ang ayaw ng re-affirmist group ni Sison na namumuno sa CPP-NPA dito sa Pilipinas via remote control mula sa kanyang komportableng tirahan sa Netherlands. Ang RPA-ABB ay itinatag nina Tabara, Nilo Dela Cruz at Popoy Lagman. Si Lagman ay nilikida sa UP Campus noong Pebrero 2001 samantalang ang dating NPA Chief na si Romulo Kintanar ay tinadtad din ng bala ng dalawang gunmen sa isang restaurant sa lunsod ng Quezon noong Enero 2003. Isa pang lider ng RPA-ABB, si Daniel Batoy ang pinatay ng NPA noong August 22, 2004. Nadamay din sa pamamaslang ang anak ni Batoy na babae na nagkataong kasama niya ng oras na siya ay binaril.
Hanggang saan hahantong ang walang saysay na pagpaslang ng NPA sa mga dati nilang kasama? Kung tutoong pagpataw lamang ng disiplina ang kanilang pakay sa utos na rin ni Sison, bakit hindi man lamang naparusahan si Jose "PEPE" Luneta? Si Luneta ay responsable sa madugong purging operation sa mga kasapi ng CPP-NPA sa Timog Katagalugan noong Dekada '80. Sa operasyong iyon, libu-libong kadre at tapat na mga kasapi nila ang ibinaon sa mga Killing Fields. Sa ngalan ng rebolusyon at Partido? Hindi! Para sa pansariling interes ng kanilang pinapanginoong si Joma Sison. Ayon sa isang naging kasama nila noon, " Si Luneta ay hindi pinarusahan dahil siya ngayon ay isang tapat na utusan ni Joma sa Netherlands. Siya ang taga-timpla ng kape ni Joma."
Sa kasaysayan, ang estratehiya ng mga komunista sa pagsunggab ng pampulitikang kapangyarihan ay nakahanay sa KARAHASAN at PANLILINLANG. Walang halaga sa kanila ang buhay ng isang tao. Para sa kanila, ang tao ay binubuo lamag ng mga molecules, Man is only a matter. Walang ikalawang buhay sa langit o paraiso. Sila ay humihingang makinarya lamang ng kanilang partido. Noong 1934, ipinagyabang ni KLEMENTI VOROSHILOV, naging pangulo ng bansang RUSSIA na noong 1919 ay nahimok niya ang (11,000) labing-isang libong Czarist Officers sa KIEV na sumuko dahil sa kaniyang pangako. Ipinangako niyang makakabalik ang mga opisyal na iyon pati ang kanilang mga asawa at kamag-anak sa kani-kanilang mga tahanan. Nang sumuko ang mga opisyal kay VOROSHILOV, agad niyang ipinapatay ang 11,000 na Czarist Officers at ang lahat ng mga lalaking anak ng mga ito. Ang mga asawa at anak na mga babae ay ipinadala naman sa mga bahay putahan upang gamitin at pagparausan ng mga tauhan ng Russian Army. Dahil sa hirap na dinanas, hindi tumagal ng tatlong buwan ang buhay ng mga kababaihan.
Ang ganitong karahasan ay pangkaraniwan sa mga bansang nasakop ng mga komunista. Sa Cambodia, halos Tatlong Milyon( Kalahati ng Populasyon) ang ipinapatay ni POL POT ng Khmer Rouge. Dito sa Pilipinas, hindi pa sila nakakapuwesto, karahasan at panlilinlang na rin ang kanilang isinusulong upang makuha ang suporta ng mga uring magsasaka at manggagawa. Pakikipag-alyansa sa mga batayang sektor ang estratehiyang kanilang isinasagawa. Lahat ng klase ng isyu ay kanilang ginagamit at sinasakyan upang makuha ang simpatiya ng sambayanan. Bilang mga makabayang Pilipino, dapat nating hadlangan ito! Salungahin natin at maigting na tutulan ang pagmamanipula ng CPP-NPA sa kaisipan ng ating mga kababayan na ang tanging mithiin ay wasakin ang Demokrasya at itayo ang pamahalaang Diktadurya ng mga proletaryo.
Kapag hindi tayo kumilos ngayon, ilang mga anak pa kaya ang mangungulila sa yakap at kalinga ng kanilang napaslang na mga ama? Ilang mga biyuda pa kaya ang luluha at mananahan sa dilim ng pamimighati?...


Kalakhang Maynila
8:30 AM, 15 December 2006




No comments: